Sunday, September 02, 2007
Philo oral exam
Binago ng pasalitang pagsusulit na ito ang buhay ko bilang isang Atenista.Bandang Ala-5 ng hapon noong biyernes, naranasan ko ang pinakakinakatakutan ng halos lahat ng mag-aaral ng Unibersidad ng Ateneo de Manila na walang iba kundi ang pasalitang pagsusulit sa kursong Pilosopiya. Sa unang pagkakataon, isinalang ako sa isang maliit na silid sa Dela Costa Hall kasama ang aking guro sa nasabing kurso sa loob ng 10 minuto. Tunay ngang isa itong karanasang hindi nino man makakalimutan sa kanyang buhay. Kakaiba ito mula kahit ano pa mang pagsusulit. Kakaiba ito mula sa samu't saring kwentong narinig ko mula sa mga mag-aaral ng mataas na antas na minsan nang isinalang sa karanasang ito. Sadyang iba kapag ikaw na mismo ang dadanas dito.
Ilang araw bago ang nasabing pagsusulit, napagtanto kong tama si Socrates. Sadyang pawang wala tayong alam. Hindi ko malaman kung papaano ako magsisimula sa pagsagot at pagtalakay ng mga sipi mula sa iba't ibang mahahalagang tao sa larangan ng Pilosopiya tulad nila Bertrand Russell, Rene Descartes, Gabriel Marcel, Edmund Husserl at Martin Heidegger. Pinaghalong pagkalito at pagkatanga ang naramdaman ko. Nasabi kong tunay ngang tao lamang ako na walang tunay na nalalaman. Kung kaya sinagot ko na lamang ito sa paraang nalalaman ko, ginamit ng mga puntong napagusapan sa klase at isinulat ang mga ito sa pinakaankop na paraang nakayanan ko.Nang dumating ang araw na kinatatakutan ko, pinilit kong huwag makadama ng kaba. Naalala ko ang ibinahaging salita ng aming guro mula sa bantog na si Fr. Roque Ferriols, SJ. Sinabi niya di umano na ang kaba ay isang uri ng kayabangan. Pinilit kong tanggalin ang kung ano pa mang kaba sa aking dibdib sa pag-iisip na ang tanging aking pwedeng gawin ay sabihin ang aking mga natutunan sa pinakamatapat na paraan na posible.
Pumasok ako sa silid. Isinaisip kong sampung minuto lamang naman, saglit na panahon kung ikukumpara sa dalawangpu't apat na oras sa isang araw. Binati niya ako at binati ko rin naman siya. Pinapili ako ng isa sa limang papel na laman ang siping aking ilalahad sa kanya. Napili ko ang sipi mula kay Bertrand Russell. Inilahad ko ang kakaunting kong nalalaman. Matapos ang aking paglalahad, sumunod ang ilang katanunang aking sinagot gamit ang aking nalalaman. Natapos ito sa pagsasabi ng pasasalamat sa isa't isa.
Sa aking paglabas, at pagmamadali papunta sa klase, naramdaman ko ang kapayapaan ng aking kalooban. Tapos na ang unang pagsabak ko sa labang iyon. Lumaban ako sa abot ng aking makakaya. Pinaglabanan ko ang kaba, takot at kahinaan ng loob. Lumabas akong buhay, taas noong nasabi sa sarili kong "Kinaya ko ang pagsubok na iyon". Kaya kahit ano pa man ang aking nakuhang marka para sa pagsusulit na iyon, masaya na lamang akong tapos na sa ngayon ang paghihirap na iyon.
Labels: Philo orals
walked on runway at 5:35:00 PM
|